BATANGAS I ELECTRIC COOPERATIVE, INC.

News

Lifeline Rate Subsidy

RA 11552 – Kwalipikadong 4Ps at ‘marginalized end-users’ maaaring makatanggap ng diskwento sa powerbill

 

Alinsunod sa Republic Act 11552, ang mga kwalipikadong miyembro ng “Pantawid Pamilyang Pilipino Program” (4Ps) at ‘marginalized end-users’ o mga MCOs na kumikita ng mas mababa sa "poverty threshold" na itinatakda ng Philippine Statistics Authority (PSA) sa isang rehiyon ay maaaring makatanggap ng diskwento sa power bill.

Ang mga mag-aapply ay kailangang komukonsumo ng hanggang 35kWh kada buwan. Ito ay batay sa lifeline threshold level na inaprobahan ng Energy Regulatory Commission (ERC) para sa BATELEC I.

Matatandaan na simula noong 2001 ay nagkakaloob na ng diskwento sa powerbill ang BATELEC I alinsunod sa Republic Act 9136. Awtomatikong nakakatanggap ng diskwento ang lahat na kumokonsumo ng hindi tataas sa 35kWh. Ito ang dahilan kung kaya’t maging ang mga bahay na nakatayo sa mga subdivision na walang nakatira ay mayroong diskwento. Ngunit sa bagong regulasyon na ito na inilabas ng ERC ay kailangan nang maghain ng aplikasyon sa mga Distribution Utility (BATELEC I) ang mga konsumidores upang makatanggap ng diskwento.

Ang mga miyembro ng 4Ps na nais mag-apply ay kailangan lamang magpasa ng application form, 4Ps ID, at pinakabagong billing notice ng BATELEC I. Kung sakaling hindi ang miyembro ng 4Ps ang nakapangalan sa inaapplayang bahay/koneksyon sa BATELEC I, kailangang magsumite ng katunayan na siya ay naninirahan sa bahay na inaapplayan ng diskwento.

At sa hindi miyembro ng 4Ps, kailangang magsumite ng application form, anumang government issued-ID, pinakabagong billing notice ng BATELEC I, at sertipikasyon mula sa Municipal Social Welfare Development Office (MSWDO) na siya ay “marginalized end-user”.

Nagsisimula nang tumanggap ng ‘lifeline rate discount’ application ang BATELEC I ngunit ang diskwento ay sisimulang ipatupad sa billing month ng Enero 2024.

Ayon sa Billing Section ng BATELEC I, may kabuuang 35,237 na mga konsumidores ang nakatanggap ng diskwento nitong Mayo 2023. 14,230 dito ang kumokonsumo ng 1-15kWh at nakakatanggap ng 40% na diskwento samantalang 21,007 ang kumokonsumo ng 16-35kWh na mayroong 5% na diskwento.

Ang ERC ang nagtatakda ng lifeline level ng bawat electric cooperative. Samantala, mananatiling hanggang 35kWh ang lifeline level ng BATELEC I hanggat hindi nagpapalabas ng panibagong threshold ang ERC. ###

 

------------------------

Ang mga nagnanais maghain ng aplikasyon para sa lifeline rate discount ay maaaring magpasa ng requirements sa alinmang tanggapan ng BATELEC I o di kaya ay sa pamamagitan ng mga link na ito:

Para sa mga MIYEMBRO ng 4Ps

Para sa mga HINDI MIYEMBRO ng 4Ps